top of page

Manila Cathedral


Ang Manila Cathedral ay itinatag noong 1578, sa kautusan ni Papa Gregorio VIII, na matatagpuan sa Kalye Andrés Soriano, Jr., Intramuros, Maynila. Ang katedral ay ang orihinal na "simbahan ng Maynila" na ganap na itinatag ng isang paring sekular, si Padre Juan de Vivero, na siyang dumaong sa Look ng Maynila noong 1566. Si De Vivero, na siyang kapelyan ng galyon na San Geronimo, ay pinadala ng Arsobispo ng Mehiko na si Alonso de Montufar upang magtatag ng Kristyanismo bilang espiritwal at pangrelihiyong administrasyon sa bagong kolonyang Pilipinas. Noong lumaon ay naging bikar-heneral si De Vivero at naging unang hukom eklesyastiko ng lungsod ng Maynila. Pinili ng Kastilang konkistador na si Miguel Lopez de Legaspi ang lokasyon ng simbahan at inialay ito kay Santa Potenciana. Ang unang kura paroko ng simbahan ay si Padre Juan de Villanueva. Itinaas ang simbahan sa pagiging katedral noong 1579, at isang bagong gusali na yari sa nipa, kahoy at kawayan ang itinayo noong 1581 ni Obispo Domingo de Salazar, ang unang obispo ng Maynila. Binasbasan ang bagong gusali noong 21 Disyembre, 1581 at naging ganap na itong katedral. Nawasak ang istrakturang ito sa isang malaking sunog noong 1583, na nagsimula sa misang paglilibing para kay Gobernador-Heneral Gonzalo Ronquillo de Peñalosa sa Simbahan ng San Agustin at siyang tumupok din sa malaking bahagi ng lungsod. Itinayo ang pangalawang katedral na yari sa bato noong 1592. Nawasak ito sa isang lindol noong 1600. Itinayo ang pangatlong katedral noong 1614 at binasbasan ito sa taon ding iyon. Ngunit maging ito ay nawasak ng isa pang lindol na yumanig sa Maynila nong 1645. Ipinatayo ang ikaapat na katedral mula 1654 hanggang 1671. Noong 1750, isang simboryong media naranja ang idinagdag sa gitna ng prayleng Florentinong si Juan de Uguccioni. Nagtamo ng malaking pinsala ang katedral noong 1863 dahil sa isang napakalakas na lindol na siya ding nagpinsala sa Palasyo ng Gobernador-Heneral ng Pilipinas. Noong 1880, pinabagsak ng isa pang lindol ang kampanaryo. Simula noon hanggang 1958, nanatiling walang kampanaryo ang katedral. Ang pang-pitong katedral ay itinayo noong 1870 hanggang 1879, at binasbasan noong Disyembre 1879. Ang krus sa tuktok ng simboryo ang nagsisilbing puntong sanggunian sa astronomikal na longgitud ng kapuluan. Noong 1937, ang Pandaigdigang Kongresong Eukaristiya ay ginanap sa Pilipinas kung saan gumanap ng malaking papel ang katedral sa pagpapalaganap ng paniniwala ng simbahan. Ang selyo at medalya ng katedral ay ginawa upang gunitain ang nasabing kaganapan at ito'y ginawa ng opisyal na tagagawa ng medalya ng Kongreso ng Pilipinas sa mga panahong iyon, ang eskultor na si Crispulo Zamora.

Isinara sa publiko ang katedral upang kumpunihin at patatagin ang nasabing gusali noong 2012 upang maprotektahan ito laban sa lindol at posibleng paglubog sa lupa. Sa mga panahong ito, ang Simbahan ng San Fernando de Dilao ang itinalagang pansamantalang opisyal na simbahan (Pro-Cathedral) ng Arkdiyosesis ng Maynila. Sa pagkukumpuni ng katedral, maraming mga kagamitan ang dinagdag, tulad ng mga CCTV camera, malaking flat screen television screen (tulad sa Simbahan ng Baclaran), pinagandang sistemang audio-video at pinahusay na mga pailaw. Matapos ang dalawang taon ay muling binuksan sa publiko ang katedral noong 9 Abril, 2014. Ang Arsobispo ng Maynila na si Luis Antonio Tagle ang namahala sa misang ginanap sa muling pagbubukas ng katedral, na dinaluhan ng Pangulong Benigno Aquino III. Noong 16 Enero 2015, pinamahalaan ni Papa Francisco ang kaniyang unang Papal na Misa sa Katedral bilang bahagi ng kaniyang pagbisita sa Pilipinas. Ang misang ito ay eksklusibo sa mga obispo, mga pari at mga klero. Sa dalawang beses na pagpunta ng aming grupo sa katedral na ito, aming napagtanto na sadyang malakas pa rin ang turismo at dinarayo pa rin ito. Kahit hindi araw ng pagsimba, mababakas pa rin sa simbahan ang pagiging relihiyoso hindi lamang ng mga Pilipino kundi pati na rin ang mga banyaga. Napakarami pa rin ang taimtim na nagdarasal at nagpupunta sa katedral na ito kahit ordinaryong araw lang. Dahil na rin sa kasaysayan ng katedral na ito na aming napag alaman, napagtanto namin na sinasalamin ng katedral na ito ang mga Pilipino, na kahit ilang beses mabuwal at kahit anong pangyayari ang sumubok sa tatag nito, patuloy at patuloy pa rin itong babangon at magsisimulang muli.


Recent Posts
bottom of page